Friday, April 25, 2014

Magtatrabaho o Magpapakatao?



Magtatrabaho o Magpapakatao?


Hindi ko alam kung bakit dalwang beses akong nakatulog habang pinapanood koi to. Hindi dala ng antok, dala lang siguro ng sakit sa puso. Ngayon na lang ulit ako nalungkot sa pelikula at natuwa ang puso ko.

Hindi nalalayo sa interes ko ang isang bahagi ng pelikula. Photojournalism. Hindi ko alam ang tagalog niyan. Patuloy ko pa ring pinag-aaralan. Naalala ko nung  16th Inkblots sa UST naging speaker namin na si Aron Favila, Photographer ng Associated Press Manila at nagkaron kami ng pagkakataon na makapag-tanong sa kanya.  Kapag may kailangan daw ba ng tulong, anong uunahin? Pagkuha ng litrato o pagtulong? Ngunit hindi ko na inalala ang sinagot niya. Sa mga puntong iyon nakulong sa isip ko 'yung tanong. Paano nga kapag ako na ‘yung nandun. Kapag kaharap ko na sila. Kapag umaasa sila sa akin? Iaabot ko ba ang kamay ko? O ihahanda ang camera ko?

Ang hirap sigurong pigilin 'yung nararamdaman mo kapag ikaw na 'yung nasa sitwasyon. Sa nararanasan ko ngayon, dapat sa litrato mo inilalabas ang emosyon, hindi sa likod ng lente.  At doon minsan mas tumitindi ang lahat.

 
Habang nilalakbay ko ang mundo at hinahanap namin ng camera ko kung ano nga ba talaga ang tunay na kahulugan nito. At nakapunta nga kami sa Kobe Shimbun no Nanokakan. Ang madilim na kulay ng pelikula na nagpadilim pa sa storya, sa mga kinahinatnan ng mga saksi at biktima. Ang bawat paglipat ng eksena ay pagdagdag  ng puntos sa 'sobrang-lungkot-naman-nito tally.' Iiwanan ka talaga ng isang tanong ng pelikulang ito. 
 
Bakit ka nga ba kumukuha ng litrato?
 
Para maibahagi sa mundo?
Para ipakita ang totoo?
Para may matuwa o maawa?
Para makilala ka ng ibang tao?
Para makilala mo ang sarili mo?

O kaya kinukuhanan mo ng litrato ang isang bagay kasi alam mong doon lang titigil ang oras, ang pagkakataon. Sa litrato mo na lang pwedeng balikan ang lahat.

Siguro kung ako na 'yung nasa sitwasyon, kukuha at kukuha pa rin ako ng litrato. Pipilitin ko pa ring makuhanan ng magandang anggulo ang kanilang lungkot, galit at hinanakit dahil alam kong hindi na mangyayaring muli sa kanila iyon. (insert smiley here)

Ang pelikulang ito ay isang hamon sa mga mamamahayag ngayon kung hanggang saan nila kaang isugal ang saril sa ngalan ng pagpapalaganap ng impormasyong kailangan ng tao. Kung hanggang saan nila kayang pigain ang sarili sa kabila ng iba't ibang sitwasyong humahatak pababa sa kanilang damdamin. Kung hanggang saan nila kayang hilahin pataas ang mga taong naghihikahos gamit ang kanilang mga salita at litrato.  At kung hanggang saan nila kayang ipakita ang katotohanan.

 

1 comment: